WebClick Tracer

Panelo humingi ng dispensa kay Poa

Humingi na ng dispensa si Atty. Paolo Panelo, spokesperson ni Vice President Sara Duterte, kay Atty. Michael Poa matapos ang tila hindi pagkakaunawaan ng dalawa.

Ayon kay Panelo, kinilala niyang hindi siya spokesperson ng defense team at napagkasunduan nilang mas pagbutihin ang kanilang koordinasyon sa mga susunod na hakbang.

Sinabi ni Panelo na agad niyang kinausap si Poa matapos lumabas ang balita tungkol sa kanilang hindi pagkakaintindihan.

“Noong lumabas ‘yung balita, pinuntahan ko siya agad para makapag-usap kami nang masinsinan. Tapos humingi ako ng dispensa sa kanya, tsaka humihingi din siya ng dispensa sa akin,” ani Panelo sa Bilyonaryo News Channel.

Sinabi rin niyang susubukan nilang mas maging maayos ang kanilang koordinasyon at pagtutulungan.

Aminado si Panelo na ikinalulungkot niya ang pagkakaugnay kay Poa sa kanyang naunang pahayag tungkol sa umano’y “lokohan” kaugnay ng ruling ng Senate impeachment court sa conviction threshold.

Aniya, bago pa man ang insidente ay ilang beses na nilang sinubukang mag-usap at mag-coordinate ni Poa ngunit hindi ito natuloy dahil pareho silang abala.

Nauna nang itinanggi ni Poa ang pahayag ni Panelo na napagkasunduan nilang dalawa na isang “farce” o palabas lamang ang naging desisyon ng Senate impeachment court tungkol sa conviction threshold. (IS)