WebClick Tracer

Pagbabawas ng water allocation ng NWRB, walang epekto sa Metro Manila

Tiniyak ng National Water Resources Board (NWRB) na walang magiging epekto sa suplay ng tubig sa Metro Manila ang pagbabawas sa water allocation na nagmumula sa Angat Dam.

Sa programang “Hoy Listen!” ng Abante, sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David na layunin ng hakbang na mapanatili ang water level sa Angat Dam bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.

Dagdag niya, ang mababawas na allocation mula sa Angat Dam ay pupunan naman ng iba pang sources ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), kabilang ang Laguna Lake, mga water treatment facility at Wawa Dam.

Bukod sa Metro Manila, babawasan din umano ang water allocation para sa mga irigasyon.

“So itong pag-adjust natin ay para ma-preserve ‘yung tubig sa Angat Dam. Pero hindi naman magreresulta ito ng kabawasan ng suplay para sa Metro Manila,” ani David.

Saad pa niya, nais nilang maiwasan hangga’t maaari ang posibilidad na muling magkaroon ng water rationing sakaling bumaba sa critical level ang reserbang tubig sa mga dam.

Panoorin ang buong panayam sa October 1 episode ng “Hoy Listen”.

Ang programang “Hoy Listen!” ay mapapanood nang live tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula 4:00 PM hanggang 5:00 PM sa DWAR Abante Radyo social media pages (Facebook, YouTube, TikTok) at DWAR 1494.