WebClick Tracer

Pag-IBIG, Megawide minarkahan unang topping-off milestone sa ilalim ng Expanded 4PH

Minarkahan ng Pag-IBIG Fund at Megawide Construction Corp. ang unang topping-off milestone sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (Expanded 4PH) sa JAB Residences sa Dasmariñas City, Cavite.

Nakumpleto na ang pangunahing structural works ng dalawang residential building na bahagi ng proyekto na inaasahang magbibigay ng halos 4,000 housing units para sa mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya.

Binubuo ang JAB Residences ng 17 limang-palapag na gusali, kung saan ang bawat 27-square-meter unit ay nagkakahalaga ng P1.5 milyon at available sa mababang buwanang bayad sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loan.

Magpapatuloy pa ang finishing works at iba pang construction activities bago i-turn over ang mga unit sa mga kuwalipikadong buyer.

Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary at Pag-IBIG Fund Board Chairman Jose Ramon Aliling, nagpapakita ang milestone ng patuloy na pag-usad ng Expanded 4PH sa pakikipagtulungan ng pamahalaan sa pribadong sektor upang madagdagan ang suplay ng abot-kayang pabahay.

Samantala, sinabi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na ipinapakita ng libo-libong dini-develop na bahay sa pamamagitan ng partnership kung paano ginagamit ng Pag-IBIG Fund ang financial strength nito upang mapataas ang housing supply habang pinoprotektahan at pinalalago ang savings ng mga miyembro.

Noong 2025, namuhunan ang Pag-IBIG Fund ng P10 bilyon sa preferred shares ng Megawide para suportahan ang development ng 7,143 housing units. Nakakakuha ito ng 9% annual return.

Para naman maging mas abot-kaya ang mga bahay, maaaring mag-avail ang mga kuwalipikadong socialized housing borrower sa ilalim ng Expanded 4PH ng Pag-IBIG Housing Loan na may subsidized rate na 3% kada taon.

May promotional housing loan rate din na 4.5% kada taon para sa loans na lampas sa socialized housing ceiling hanggang P4.9 milyon, at 5.75% kada taon para sa loans na lampas P4.9 milyon hanggang P10 milyon. Fixed ang dalawang promotional rate sa unang tatlong taon at available hanggang Disyembre 31, 2026.