WebClick Tracer

P1K ayuda sa solo parents, zero budget sa 2027

Walang matatanggap na cash subsidy ang mga kuwalipikadong solo parent sa susunod na taon kung hindi pagbibigyan ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ipinasok ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago na amendments sa House Bill 10858 o General Appropriations Bill for 2027.

Sa isinumiteng amendment ni Elago sa nasabing panukala kay House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mika Suansing, kabilang ang pagpopondo sa “Monthly Cash Subsidy for Solo Parents”.

Ginawa ng mambabatas ang nasabing amendments dahil walang inilaang pondo o zero budget sa nasabing programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa GAB 2027.

Sa ngayon ay nakakakuha ng minimum na P1,000 na buwanang cash subsidy o P12,000 kada taon ang mga solo parent na minimum wage earners o mas mababa pa rito.

Kabilang ang benepisyong ito na nakasaad sa Republic Act (RA) 11861 o Expanded Solo Parents Welfare Act subalit hindi ito pinaglaanan ng pondo sa susunod na taon na ikinabahala ni Elago dahil kahit papaano ay nakakatulong ito sa mga magulang na nag-iisang nagtataguyod sa kanyang mga anak.

Dahil dito, nagpasa ng amendments si Elago kay Suansing para lagyan ang programang ito ng P2.3 bilyon para masiguro na magtuloy-tuloy ang pagtulong sa mga solo parents sa susunod na taon.

Hindi nagbigay ng datos ang mambabatas kung ilang milyong solo parent ang makikinabang sa kanyang panukala subalit sa ngayon ay umaabot sa 15 milyon ang bilang ng mga ito sa buong bansa.

Maliban dito, pinalalagyan din ng mambabatas ng P532.4 bilyon ang production subsity program at P250 bilyon ang Agricultural Disaster Compensation Program ng Department of Agriculture dahil bokya ang mga programang ito para sa magsasaka at mangingisda sa ilalim ng pambansang pondo sa susunod na taon. (Bernard Taguinod)