Pinaghahandaan na ng Office of the Solicitor General (OSG) ang magiging depensa sa inihaing petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa ipinagpalibang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang OSG ang magrerepresenta at gagawa ng posisyon bilang abogado ng gobyerno sa petisyong inihain ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal matapos maipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na dapat ay gagawin ngayong Nobyembre.
Nanindigan ang Malacañang na makatwiran ang ginawang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa batas na nagpapalawig sa termino ng mga barangay officials batay sa naging aksiyon ng Kongreso.
Sinabi ni Castro na ano man ang magiging kapasyahan ng Korte Suprema ay susundin ng Ehekutibo.
Batay sa inihaing petisyon ni Atty. Macalintal sa Kataas taasang hukuman, may paglabag sa ginawang paglagda ng Pangulo sa batas na nagpapaliban sa BSKE dahil nasapawan nito ang rights to suffrage o karapatang bumoto. (Aileen Taliping)


