WebClick Tracer

Misis todo-suporta kay Patrick Garcia: ‘I fell in love with a good man’

Todo suporta si Nikka Garcia sa kanyang asawang si Patrick Garcia matapos ang kontrobersiyal na interview nito kay Ogie Diaz.

Sa kanyang Instagram Stories, nag-share siya ng quote kung saan itinag niya ang kanyang mister.

Ipinakita ni Nikka ang kanyang pagmamahal at suporta para sa kanyang asawa sa pamamagitan ng simpleng quote na kanyang ni-repost.

Sinabi ni Nikka na “nanalo” siya sa buhay dahil na-in love siya sa isang mabuting lalaki.

Dagdag niya, hindi siya titigil sa pagiging grateful na nakilala at minahal niya si Patrick.

Inilarawan din ni Nikka ang asawang aktor bilang isang hardworking, gentle at safe man.

“I won in this life. I fell in love with a good man and I’ll never stop being grateful for that. A self-made man. A hardworking man. A gentle man and safe man. A man who takes care of me in all the ways that matter,” mababasa sa quote ng kanyang shinare.

Kasunod ito ng pag-ulan ng batikos kay Patrick matapos niyang magsalita makalipas ng 18 taon tungkol sa naging hiwalayan nila ni Jennylyn Mercado noong 2008 nang buntis ang aktres sa anak nilang si Alex Jazz.

Iginiit ng aktor na hindi niya iniwan si Jennylyn kundi ang aktres daw ang ayaw nang makipag-usap sa kanya.

Napilitan umano siyang ibinahagi ang kanyang panig matapos dumaing sa kanya ang anak na si Michelle na nasasaktan sa patuloy na pamba-bash sa kanya sa social media. (Issa Santiago)