WebClick Tracer

Mary Jane Veloso nagbabala sa mga Pinoy na gustong magtrabaho abroad

Si Mary Jane Veloso habang nagbibigay ng babala at payo sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.

Nagbabala si Mary Jane Veloso sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibang bansa na dumaan sa legal na proseso upang maiwasang malagay sa kapahamakan.

Sa press briefing ng Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes, hinimok ni Veloso ang mga nangangarap mag-abroad na huwag agad maakit sa mga alok na libreng visa at mabilis na trabaho.

“Wala po masama na mangarap, wala po masama na gusto natin maiahon ang ating mga pamilya sa hirap, pero kung ako po, mabuti pong dumaan tayo sa legal na paraan,” ani Veloso.

“‘Wag po natin hayaan na ma-engganyo po tayo dahil meron po free visa. Na kesyo free visa, madali lang makahanap ng trabaho, mabilis makakaalis,” dagdag niya.

Ayon kay Veloso, maaaring humingi ng gabay sa Department of Migrant Workers (DMW) upang matiyak na lehitimo ang trabahong pupuntahan at maiwasan ang mga panganib.

“Sana po itong pagsa-share ko po ng aking kaso ay maging inspirasyon po sa iba para po hindi na po sila matulad sa akin, para wala na pong pangalawang Mary Jane na makararanas ng ganito,” dagdag pa niya. (AC)