Pinayuhan ng Malacañang ang publiko na huwag mag-panic sa mga nakikita at nababasa sa social media kaugnay sa posibleng matinding epekto ng super El Niño sa bansa.
Kasunod ito ng naging pahayag ng PAGASA na mas magiging matindi ang inaasahang epekto ng super El Niño dahil sa climate change kaya mayroon na umanong nag-iimbak ng bottled water at mga timba.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang kailangang gawin ng mamamayan ay tamang paghahanda sa tulong ng gobyerno.
Kumikilos na aniya ang lahat ng mga kaukulang ahensiya para paghandaan ang El Niño kaya hindi dapat maging dahilan ito para mag-alala ng husto.
Sinabi ni Castro na ang El Niño ay hindi na bago sa Pilipinas kaya hindi dapat na mag-panic dahil may mga paghahandang ginagawa ang gobyerno para hindi gaanong maramdaman ang epekto nito sa bansa at sa mamamayan. (Aileen Taliping)


