Aalamin ng Malacañang ang pananaw ng Department of Education (DepEd) kaugnay sa mungkahi ng Climate Change Commission na dapat magkaroon ng shifting sa oras ng klase ng mga estudyante.
Ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa inaasahang sobrang init na mararanasan mula sa epekto ng super El Niño.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi pa niya nakakausap si DepEd Secretary Sonny Angara kaya aalamin nito kung ikokonsidera ang panukala ng Climate Change Commission.
Mahalagang matiyak aniya ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante upang hindi mahirapan sa pag-aaral sa panahon ng El Niño .
Batay sa mungkahi ng komisyon, kung maaari ay simulan ang klase ng mga estudyante simula alas sais ng umaga hanggang 9:30 ng umaga at iwasan ang mula alas diyes hanggang alas tres ng hapon upang hindi makaranas ng matinding init ng panahon dulot ng super El Niño. (Aileen Taliping)


