WebClick Tracer

Magkapatid na Villafuerte muling iginiit kahalagahan ng pagkakaroon ng fuel reserve

Muling iginiit nina Camarines Sur Representatives Luigi at Migz Villafuerte ang kahalagahan ng pagpasa ng panukala na magtatatag ng Philippine Strategic Petroleum Reserve (PSPR) System sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East na nagpapataas sa presyo ng petrolyo.

Kasabay nito, kinilala ng magkapatid na mambabatas ang hakbang ng administrasyong Marcos na lumikha ng kauna-unahang government-controlled strategic petroleum reserve ng bansa.

Sinabi ng mga Villafuerte na ang malaking pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel sa bansa ay nagpapakita ng pangangailangang magkaroon ang Pilipinas ng sarili nitong strategic fuel buffer upang maprotektahan ang mga konsumer at negosyo mula sa pagkaantala sa suplay at matinding pagbabago-bago ng presyo.

“Despite its heavy reliance on imported petroleum products, our country lacks a comprehensive legal framework establishing a government-controlled strategic petroleum reserve that will protect Filipinos and businesses from wild swings in the prices of diesel, gasoline and other petroleum products,” sabi ni Rep. Luigi.

“The urgency for having buffer stocks to help stabilize domestic fuel prices has become more apparent amid the tit-for-tat attacks between the US and Iran for over half a year now, which have at times pushed oil prices beyond $100 per barrel,” dagdag pa nito.

Noong Agosto 11, inaprubahan ng House Committee on Energy ang substitute bill na nagtatatag ng PSPR System, na konsolidasyon ng mga panukalang batas, kabilang ang House Bill 9367 na akda ng magkapatid na Villafuerte, Camarines Sur Rep. Tsuyoshi Anthony Horibata, at ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon.

Kamakailan ay umabot sa $116 kada bariles ang Dubai crude, habang umakyat ang presyo ng domestic fuel ng tatlong magkakasunod na lingguhang pagtaas, na nagpaakyat sa presyo ng pump sa higit P100 kada litro bago ang rollback noong Sept. 29.

Sinabi ni Rep. Migz na ang mga bansang may SPR ay kumuha ng kanilang mga stock sa panahon ng pagkaantala sa suplay at matinding pagbabago-bago ng presyo.

“The Philippines has no comparable government-controlled strategic petroleum reserve to draw from during a major supply disruption and thus remains largely exposed to market volatility, relying instead on commercial inventories and external supply conditions,” sabi ng solon.

Magtatatag ang iminungkahing framework ng sistema para sa acquisition, storage, maintenance, rotation, at emergency release ng petroleum reserves, habang pahihintulutan ang Department of Energy (DOE) na makipagtulungan sa mga pribadong entidad sa pamamagitan ng public-private partnerships para sa financing, disenyo, konstruksyon, operasyon, at maintenance ng SPR facilities at kaugnay na imprastraktura.

Ang panukala sa Kongreso ay inihain habang nilagdaan ng Maharlika Investment Corp. (MIC) at Philippine National Oil Co. (PNOC) ang isang memorandum of understanding (MOU) upang suriin ang development, financing, at operational structure ng isang strategic tank farm sa lalawigan ng Bataan.

Target ng PNOC na magsimulang operasyon ang pasilidad pagsapit ng 2028. Inaasahang magsisimula ang hub na may kapasidad na isang milyong bariles at kalaunan ay palalawakin ito sa 15 milyong bariles.

“Congressional approval of this framework will further strengthen DOE-led efforts to fast-track our own fuel stockpiling initiatives,” sabi ni Rep. Migz.

Ang pagtutulak para sa isang national petroleum reserve ay bahagi ng matagal nang adbokasiya ng mga Villafuerte, kung saan itinaguyod ni Gov. LRay Villafuerte Jr. ang panukala noong siya ay kongresista pa lamang noong administrasyong Duterte. (Billy Begas)