Pansamantalang isinara ang sikat na Ma Mon Luk restaurant sa Quezon Avenue, Quezon City matapos makitaan umano ng paglabag sa sanitary at business permits.
Ayon sa Quezon City Business Permits and Licensing Department (QC BPLD), isinagawa ang closure batay sa rekomendasyon ng Quezon City Health Department (QCHD) at dahil hindi umano sumunod ang restaurant sa mga direktiba ng lungsod.
Sa email na ipinadala ng QC BLPD sa GMA News, sinabi nitong base sa inspection report ng QCHD noong Mayo 29, 2026, nanatili umanong lumalabag ang Ma Mon Luk sa Presidential Decree 856 o Code on Sanitation of the Philippines.
Dahil dito, inirekomenda ng QCHD ang pagbawi sa sanitary permit ng restaurant at pagpapatuloy ng naunang rekomendasyon para sa pagpapalabas ng cease and desist order.
Bukod dito, sinabi ng QC BPLD na hindi rin na-renew ng Ma Mon Luk ang mayor’s permit nito.
Nabatid din sa isinagawang verification noong Agosto 25 na nagpatuloy umano sa operasyon ang restaurant kahit may cease and desist order na ipinatupad noong Abril 28.
Ang Ma Mon Luk ay isang iconic Chinese restaurant, na pinakakilala sa kanilang mami at siopao.
Mayroon din silang branch sa Quiapo, Maynila. (IS)


