WebClick Tracer

Luistro: Pag-atras ni Trillanes, wa epek sa kaso vs Sara Duterte

Tiniyak ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na walang epekto ang pag-atras ni dating Sen. Antonio Tillanes IV bilang isa sa mga witness sa unexplained wealth article laban kay Vice President Sara Duterte.

“There is none. Because all our evidence are strong,” ani Luistro nang tanungin kung may epekto sa kanilang kaso laban kay Duterte ang pag-atras ni Trillanes na personal na desisyon umano ng dating Senador.

Marami ang nabigla nang ihayag ni Luistro sa impeachment court na inaatras na ng mga ito si Trillanes bilang witness na kalaunan ay kinumpirma ng dating Senador at ipapaliwanag umano nito ang kanyang dahilan sa ipinatawag na pressconference bukas, Biyernes.

“It was intimated to the team, to the prosecution team, of the decision of the former senator to withdraw his name among the list of witnesses for the prosecution. That is all,” ayon pa sa mambabatas.

Si Trillanes ay isa sa inaabangang witness ng prosecution dahil siya ang unang nagsiwalat na may mga hindi deklaradong bank accounts ang mga Duterte mula pa noong bago lumarga ang 2016 presidential election kung saan kandidato bilang pangulo at kalaunan ay nananalo na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“It is a final decision. Kanina lang talaga na-finalize. So perhaps if indeed na-surprise sila, they were surprised na may final decision na,” ani Luistro nang tanungin pinal na ang desisyon na hindi na isasalang sa witness stand si Trillanes. (Bernard Taguinod)