Nanawagan si Senator Loren Legarda sa pamahalaan na kumilos nang maaga habang patuloy na lumalakas ang El Niño, kasunod ng babala ng PAGASA na ang kasalukuyang ‘strong’ El Niño ay maaari pang maging ‘very strong’ at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027.
Ayon kay Legarda, dapat magsimula na ang paghahanda bago humantong ang matagal na tagtuyot sa pagkasira ng mga pananim, kakulangan sa suplay ng tubig, pagtaas ng presyo ng pagkain, panganib sa kalusugan, at pagkawala ng kabuhayan.
“Ang El Niño ay hindi biglaang sakuna. Nakikita natin itong paparating. Hindi pwedeng ‘think positive’ lang at saka tayo kikilos kapag natuyo na ang sakahan, naapektuhan na ang suplay ng tubig, at nawalan na ng kita ang mga pamilya. Habang may panahon pa, maghanda na tayo,” ani Legarda.
Hinimok niya ang pamahalaan na agad tukuyin ang mga lugar na may pinakamataas na panganib sa tagtuyot at kakulangan sa tubig, at tiyaking may nakahandang mga konkretong hakbang para sa mga ito.
Kabilang dito ang pagtitipid at pag-iimbak ng tubig, suporta sa irigasyon, paggamit ng mga pananim at binhing mas matibay sa tagtuyot, proteksyon para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda, at mga hakbang laban sa posibleng pagkaantala ng suplay ng pagkain.
Hinimok din ni Legarda ang Task Force El Niño, na muling binuo sa ilalim ng Executive Order No. 53, na tiyaking naaayon sa kasalukuyang sitwasyon ang Strategic El Niño National Action Plan at malinaw ang tungkulin ng bawat ahensya pagdating sa seguridad sa tubig, pagkain at enerhiya, kalusugan, at kaligtasan ng publiko.
“Dapat malinaw kung aling mga lugar ang unang tatamaan, ano ang kailangan nila, magkano ang pondong available, at sino ang responsableng ahensya. Hindi natin kailangang hintayin na maging emergency ang isang panganib na ilang buwan nang nakikita sa forecast,” ani Legarda. (Dindo Matining)


