Sunod-sunod na parangal ang natanggap ng LANDBANK para sa mga inisyatiba nito sa digital banking, financial inclusion, development finance, agricultural financing, at sustainable finance.
Kabilang dito ang Best Retail Bank in the Philippines mula sa Euromoney Awards for Excellence, na kumilala sa mga programa ng LANDBANK para mapalawak ang access ng mga Pilipino sa serbisyong pinansyal, kabilang ang paggamit ng digital solutions.
Kinilala rin ang LANDBANK ng International Finance Awards bilang Fastest Growing Digital Banking Services in the Philippines for 2026.
Samantala, ginawaran ang bangko ng Best Development Bank at Best Agri Business Bank in the Philippines sa Global Banking & Finance Review Awards.
Itinanghal din si LANDBANK President at CEO Lynette Ortiz bilang Banking CEO of the Year in the Philippines.
Sa Pan Finance Awards, kinilala ang LANDBANK bilang Most Innovative Rural Development Bank at Agricultural Financing Partner of the Year dahil sa mga programang nakatuon sa mga magsasaka, mangingisda, agrarian reform beneficiaries, MSMEs at local government units.
Ginawaran din si Ortiz ng International Finance Awards bilang Best Woman CEO in Banking in the Philippines for 2026.
Sa sustainable finance naman, nakatanggap ang LANDBANK ng Renewable Energy Deal of the Year – Hydro sa The Asset Triple A Sustainable Finance Awards para sa suporta nito sa mga proyektong renewable energy.
Ayon kay Finance Secretary at LANDBANK Chair Frederick Go, ipinapakita ng mga pagkilalang ito ang papel ng bangko sa pagpapalawak ng financial access at pagsuporta sa mahahalagang sektor ng ekonomiya.
“Ang mga parangal na ito ay inspirasyon upang patuloy nating mapalawak ang mga serbisyong pinansyal na nagbibigay ng mas maraming oportunidad at nag-aambag sa pag-unlad ng mga komunidad at ng bansa,” pahayag ni Ortiz.


