Ang Calle88 Foods Corp., isang kompanyang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte, ay nakatanggap umano ng mga remittance mula sa China at iba pang bansa, batay sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa paglilitis noong Huwebes, sinabi ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na kabilang sa mga rekord na isinumite ng AMLC sa Senate impeachment court ang mga summary ng iba’t ibang rekord, kabilang ang inward remittances sa Cale88 Foods Corp. mula sa China at iba pang bansa.
Ang Cale88 ay kabilang sa mga korporasyon na sinusuri ang mga rekord habang binubuo ng House prosecution panel ang kaso nito sa ilalim ng Article II, kung saan inaakusahan si Duterte na mayroong unexplained wealth, at hindi pagdedeklara ng tama sa kanyang SALN.
Sa isang press briefing matapos ang paglilitis, tinanong si Luistro upang linawin ang mga transaksyong kinasasangkutan ng Calle88.
“That is correct. That’s part of the summaries prepared and submitted by the AMLC to the Honorable Impeachment Court, a summary of remittances to Calle 88 from China and from other foreign countries,” sabi ni Luistro.
Nang tanungin ng karagdagang detalye, sumagot si Luistro, “I cannot, because this will cost me P30,000,” na tumutukoy sa multang ipapataw ng Senate impeachment court para sa paglabag sa sub judice rule.
“I am not at liberty to dwell on that. Siguro ’yung nasabi ko na kanina, when we made that manifestation, let us contain ourselves on that and wait until the AMLC is presented,” dagdag pa ng lady solon.
Ang mga remittance mula sa China ay nagdulot ng mga tanong kung may kaugnayan ang mga ito sa negosyanteng si Jaime T. Cruz (JTC), na kabilang sa mga business partner ni Duterte at ng kanyang mga kapatid.
Tumanggi rin si Luistro na magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa usapin.
“As to whether or not the testimony will include something which pertains to JTC, that is yet to be known during their presentation,” sabi niya.
Inaasahang haharap sa witness stand si AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura sa Lunes, Oct. 5. (Billy Begas)


