Dahil sa babala ng weather bureau tungkol sa isang “super-sized” na El Niño na maaaring humagupit sa bansa hanggang 2027, isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang agarang aksyon ng Senado upang matiyak ang kahandaan ng gobyerno sa mga magiging epekto nito.
Inihain ni Estrada, pangunahing may-akda at sponsor ng makasaysayang Republic Act No. 12287 o ang “Declaration of State of Imminent Disaster Act,” ang Senate Resolution No. 656, na naghihimok ng pagtatalaga ng komite sa mataas na kapulungan para magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.
“Hindi tayo dapat mahuli sa pagkilos. Nandyan na ang mga babala – mula sa sarili nating weather bureau maging ng mga international experts. Ang kailangan natin ngayon ay tiyakin na handang tumugon ang ating gobyerno, hindi lamang sa papel, kundi sa aktwal na sitwasyon,” ani Estrada.
“Isinabatas natin ang RA 12287 para mismo sa mga inaasahang panganib na may matinding epekto sa mamamayan. Sa mga pagkakataong tulad nito, kung saan sinasabi ng siyensya na tiyak na magkakaroon ng sakuna, dapat kumilos na tayo bago pa man ito manalasa. Hindi tayo maaaring maghintay na tumama ang kalamidad; dapat at nararapat na paghandaan natin ito,” diin niya.
Ang RA 12287, ang batas na pinangunahan ni Estrada sa Senado at naglagay sa Pilipinas bilang kauna-unahan sa Asya – at posibleng sa buong mundo – na nagpapatupad ng anticipatory disaster action, ay nagpapahintulot sa gobyerno na magdeklara ng “State of Imminent Disaster” bago pa man tumama ang kalamidad, magsagawa ng mga paghahanda at emergency measures, pati na ang paglalaan ng kinakailangang pondo para sa mga ito.
Sa kanyang SRN 656, binanggit ni Estrada ang abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Setyembre 6, 2026, na nagsasaad na mayroon nang umiiral na “moderate” hanggang “strong” na El Niño sa tropical Pacific at maaaring maging mas matindi pa sa pagtatapos ng taon.
Ang natural phenomenon na ito ay nagdudulot ng panganib ng tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa, habang nagdadala ng labis na pag-ulan sa iba.
Kinatigan din ng World Meteorogical Organization (WMO) ang babala at sinabi ng secretary-general nito na si Celeste Saulo na may potensyal itong magdulot ng matinding pinsala sa mga komunidad at ekonomiya sa buong mundo.
Dagdag pa niya: “This exceptional El Niño demands exceptional preparation and response.
May isa ring pagtataya na naglagay sa posibilidad na aabot ito sa 75% — isang pangyayaring maaaring maging makasaysayan – o higitan pa ang lakas ng matinding El Niño na naitala mula pa noong 1950.
Binanggit ni Estrada na kasalukuyan pang bumabangon ang bansa mula sa pinsalang dulot ng southwest monsoon at sunod-sunod na bagyo. (Dindo Matining)


