WebClick Tracer

Jefry Tupas itinanggi alegasyon ni Gracioso sa umano’y cash deliveries kay VP Sara

Mariing itinanggi ni dating Davao City Information Officer at dating Office of the Vice President employee Jefry Tupas ang mga alegasyon ni Rodulfo Gracioso na naghatid umano siya ng mga maleta ng pera, regalo, at sasakyan para kay Vice President Sara Duterte.

Batay ito sa sinumpaang salaysay na isinumite ni Tupas sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Setyembre 30, na eksklusibong nakalap ng Abante.

Binigyang-diin ni Tupas na wala siyang natanggap o naihatid na pera para kay Duterte at hindi rin umano niya kilala si Gracioso, ang dating security aide ni former House Speaker Lord Allan Velasco.

Pinabulaanan niya ang ilang partikular na insidenteng binanggit ni Gracioso.

Sa umano’y P100 milyong cash delivery sa Marinduque noong Abril 2019, sinabi ni Tupas na nasa South Korea siya noong Abril 18 hanggang 21 o 22, 2019.

Kalakip sa kanyang affidavit ang mga airline ticket, passport stamp, at Facebook post na umano’y nagpapatunay sa kanyang kinaroroonan.

Itinanggi rin niya ang umano’y P100 milyong cash delivery sa Diamond Hotel sa Makati noong Setyembre 21, 2019.

Ayon kay Tupas, nasa Japan siya mula Setyembre 19 hanggang Setyembre 22 ng naturang taon, kung saan naglakip din siya ng mga dokumento at social media post bilang suporta sa kanyang pahayag.

Samantala, sinabi ni Tupas na hindi rin posible ang alegasyong nakapunta siya sa Busay, Cebu noong 2020 para maghatid ng tatlong maleta ng pera dahil mahigpit ang lockdown sa Davao City noong panahong iyon.

Binigyang-diin niya ang Executive Order No. 13, Series of 2020 ng Davao City na nagbabawal sa domestic air travel papasok at palabas ng lungsod mula Marso 19 hanggang Hunyo 8, 2020.

Iginiit ni Tupas na ang kanyang mga dokumento ay maaaring magpatunay na wala siya sa mga lugar at petsang binanggit sa mga alegasyon ni Gracioso.

Isinumite ang affidavit matapos hindi personal na makadalo si Tupas sa itinakdang pagharap sa NBI ngayong Huwebes, Oktubre 1, dahil sa maikling abiso at dahil nasa Mindanao umano siya nang mailabas ang subpoena noong Setyembre 28. (AM)