Walang impeachment trial bukas, Oktubre 2, matapos bigyan ng Senado ng dagdag na oras ang defense panel para suriin ang mga dokumento at summaries ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ginamit ng prosecution bilang ebidensiya.
Sa halip, sa Lunes, Oktubre 5 na muling magpapatuloy ang paglilitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Hiniling ng defense panel ang dagdag na oras matapos sabihin na hindi pa nito natatanggap ang AMLC summaries na iniharap ng prosecution, maging sa email o hard copy.
Ang mga dokumento ng AMLC ay bahagi ng ebidensiya ng prosecution sa Article 2 ng impeachment case, na tumatalakay sa mga alegasyon kaugnay ng yaman at mga financial transaction ng bise presidente. (IS)


