Inaasahang matatapos sa unang linggo ng Oktubre ang Southwest Monsoon o habagat, na nagdadala ng ulan sa kanlurang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA nitong Huwebes.
Ayon kay PAGASA weather specialist Leanne Loreto, ang pagtatapos ng habagat season, na nagsimula noong Mayo 30, ay maghuhudyat ng transition period patungo sa pagdating ng Northeast Monsoon o amihan.
Maaari aniyang magsimula ang amihan season sa huling bahagi ng Oktubre.
“When we have the Amihan, the air is generally dry and cool. However, since we are currently experiencing El Niño, temperatures may not be as cold as those we experienced in previous years,” ani Loreto.
Samantala, sinabi ni Loreto na isa hanggang dalawang bagyo ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Oktubre na posibleng mag-landfall sa Luzon o Visayas.
Maaari rin aniyang makaapekto sa bansa ngayong buwan ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ), easterlies at low pressure areas.
Maaari rin umanong makaapekto ang kasalukuyang El Niño sa dalas at katangian ng mga sistemang pampanahon at mga bagyo, ayon pa sa PAGASA. (AC)


