Pinaigting na ng gobyerno ang mga paghahanda upang maprotektahan ang bansa laban sa inaasahang epekto ng super El Niño.
Kasunod ito ng babala ng PAGASA na inaasahang lalakas pa ang El Niño na maaaring umabot sa nakapalakas na antas sa mga susunod na buwan hanggang sa kalagitnaan ng 2027.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, pinakilos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya ng gobyerno na magpatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang kakapusan sa tubig at matinding tagtuyot.
Sinabi ni Castro na naghahanda na rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang masiguro ang supply ng tubig, maiwasan ang sunog sa mga kagubatan, makatipid sa enerhiya, maprotektahan ang mga empleyado laban sa matinding init at mapalakas ang koordinasyon sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
Kasama sa mga naghahanda na ngayon ay ang Department of Agriculture, National Irrigation Administration, Department of Energy at Department of Budget and Management upang matukoy kung kailangan ng dagdag na pondo para sa inaasahang super El Niño. (Aileen Taliping)


