Hindi na umano bago sa Simbahang Katoliko ang dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. dahil lumaki ito sa kumbento at naging iskolar ng kanilang parokya.
Ibinahagi ito ni Program Paghilom founder Fr. Flavie Villanueva sa “On Point” ng Bilyonaryo News Channel nang tanungin kung paano sila nagkakilala ni Gracioso.
Ayon kay Villanueva, nagkita sila noong Marso 26, 2026.
Kuwento ng pari, sinabi sa kanya ni Gracioso na lumaki ito sa kumbento noong bata pa at naging parish scholar. Ginugol din umano nito ang kanyang teenage years bilang convent boy.
Nang dumating umano sa punto na nahihirapan si Gracioso sa aspetong pinansiyal partikular sa gastusin para sa kanyang karamdaman at sa kanyang ama, humingi ito ng tulong sa dalawang ninong nitong pari.
Tinanong umano ni Gracioso kung paano siya makokontak nito.
“So that was the beginning,” ani Fr. Flavie.
Nang tanungin kung bakit siya ang pinili ni Gracioso na lapitan, sinabi ng pari na nakilala siya nito sa social media at nagkaroon ng tiwala sa kanyang mga ginagawa.
“Ang sabi niya po ay gawa ng nakilala niya ako sa social media at may tiwala siya sa aking ginagawa at sa pangangalaga sa mga tinokhang ng nagdaang Duterte administration. Sa ganitong gawain, naramdaman niya raw na maaari siyang magbahagi sa akin,” saad ng pari.
Panoorin ang buong panayam sa September 30 episode ng “On Point”.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Cignal Play, at sa official YouTube and Facebook accounts ng BNC. (IS)


