WebClick Tracer

Estudyante natagpuang walang buhay sa loob ng sasakyan sa parking lot ng kolehiyo sa Dasmariñas

Isang 24-anyos na lalaking estudyante ang natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa parking area ng De La Salle Medical and Health Sciences Institute sa Barangay Burol Main, Dasmariñas City, Cavite.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Dasmariñas City Polic, dakong alas-9:40 Miyerkules ng gabi nang matuklasan ng kaniyang tiyahin ang estudyante matapos nitong hanapin ang biktima na hindi pa umuuwi.

Ayon sa pulisya, ginamit umano ng tiyahin ang GPS device na nakakabit sa susi ng sasakyan upang matukoy ang lokasyon nito at doon niya nalaman na nasa loob pa rin ng school parking area ang sasakyan.

Nang puntahan ang lugar, natagpuan ang estudyante sa backseat ng sasakyan.

Sa pagsisiyasat natuklasan na nababalot ng plastic ang mukha nito at may lubid na plastic din na nakapulupot sa leeg nito.

Isinailalim sa imbestigasyon ng pulisya ang insidente, kabilang ang pagproseso ng crime scene ng forensic group, pakikipanayam sa mga posibleng saksi at paghiling ng awtopsiya upang matukoy ang eksaktong sanhi at paraan ng pagkamatay.

Ayon naman sa isang kaanak, may iniindang mental health problem ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon habang hinihintay ang resulta ng pagsusuri ng mga awtoridad. (Ronilo Dagos)