WebClick Tracer

DOJ patuloy na sinusuri alegasyong cash delivery ni Gracioso

Kasalukuyan pang sinusuri ng Department of Justice (DOJ) ang affidavit ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. na nagsabing naghatid siya ng mga maletang may lamang pera kay Vice President Sara Duterte at mga kaanak nito.

Sinabi ni Gracioso na idineliver niya ang mga maleta alinsunod sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, bilang kanyang dating security detail. Itinanggi naman ni Duterte ang alegasyon.

Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, natanggap ng DOJ ang affidavit ni Gracioso noong nakaraang linggo at sumasailalim na ito sa masusing pagsusuri at proseso.

Isinasaalang-alang din umano ng DOJ ang mga isyu sa kredibilidad na ibinato laban kay Gracioso.

“Kaya nga sa akin, totality of the circumstances surrounding it kasi ang gusto rin namin kung sakaling magiging witness siya at isasalang siya sa isang kasong krimen, it will withstand the test noong judge, sa cross-examination, kasi ang ayaw natin iyong magsasampa ng kasong mahina,” ani Vida sa isang press conference nitong Huwebes.

Ayon kay Vida, sinusuri rin ng DOJ kung kuwalipikado si Gracioso para sa witness protection program at kung makatutulong ang kanyang mga alegasyon sa pagbuo ng kaso.

Masyado pa aniyang maaga upang sabihin kung kakailanganin pa ni Duterte na pormal na tumugon sa alegasyon ni Gracioso.

“Speculation pa sa tiempong ito,” dagdag niya. (AC)