WebClick Tracer

DOJ malapit nang ihain extradition petition para kay Quiboloy

Malapit nang ihain ng Department of Justice (DOJ) ang petisyon para sa extradition kay Apollo Quiboloy sa Estados Unidos, ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida nitong Huwebes.

“Quiboloy, we’re in the final stages already. Nagle-legal scrapping na lang kami. We’re almost ready to file that petition,” ani Vida sa isang press briefing.

Ihahain umano ang petisyon sa isang local trial court.

Agosto nang hilingin ng US Government sa Pilipinas na i-extradite si Quiboloy kaugnay ng kinahaharap niyang kaso sa naturang bansa, kabilang ang may kinalaman sa sex trafficking.

Humaharap din siya sa non-bailable qualified human trafficking case sa ilalim ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 sa Pasig City Regional Trial Court, gayundin sa kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Kasalukuyang nakadetine si Quiboloy sa Pasig City Jail. (AC)