Nagpaintriga si Dennis Trillo sa kanyang cryptic post matapos ang kontrobersiyal na interview ni Patrick Garcia tungkol sa nakaraan nila ni Jennylyn Mercado.
Sa TikTok, nag-post si Dennis ng tinawag niyang “Memo No. 01” na may mensaheng: “Kapag naghugas ka ng kamay sa kanal, lalo lang dudumi.”
Nilagyan niya ito ng poop emoji at kantang “Tabing Ilog” ng Barbie’s Cradle.
Hindi pinangalanan ni Dennis kung sino o ano ang tinutukoy niya sa naturang post pero iniuugnay ito ng ilang netizens sa panayam kay Patrick ni Ogie Diaz kung saan napag-usapan ang aktres at ang anak nilang si Jazz.
Lalong naging palaisipan sa mga netizen ang post ni Dennis matapos niyang i-like o i-heart ang komento ng isang follower na pabirong nagtanong kung si Diaz ba ang tinutukoy niyang “kanal.”
Sinagot din ni Dennis ang netizen na naghahamon sa kanya na makipagsuntukan sa isang Patrick.
“Hindi ako pumapatol sa Starfish,” sagot ng aktor, na tila ang karakter na si Patrick Star ng animated series na “SpongeBob SquarePants” ang tinutukoy niya.
Naging usap-usapan din ang iba pang social media posts ni Dennis na ikinatuwa ng kanyang mga follower.
Samantala, sa nasabing interview, itinanggi ni Patrick ang alegasyong pinabayaan o iniwan niya si Jennylyn noong buntis ito taong 2008. Ayon sa aktor, si Jennylyn umano ang tumangging makita siya noon.
Ibinahagi rin ni Patrick na hindi na niya nakita ang kanilang anak na si Jazz mula pa noong 2017. Sinabi niyang ilang beses siyang nakipag-ugnayan kay Jennylyn para makita ang kanilang anak ngunit hindi umano ito nasagot.
Aminado rin si Patrick na hindi na siya nakapagbigay ng financial support kay Jazz mula noon.
Samantala, pinili nang huwag magkomento ni Jennylyn sa isyu. Sa halip, nanawagan siya sa publiko na itigil na ang pamba-bash sa pamilya ni Patrick.
Si Dennis ay asawa ni Jennylyn. Ikinasal sila noong Nobyembre 2021 at mayroon silang isang anak na si Dylan Jayde. (IS)
https://www.tiktok.com/@dennistrilloph/photo/7691207593729035528?lang=en


