WebClick Tracer

Dasmariñas police pinabulaanan umano’y mass shooting

Nilinaw ng Dasmariñas Component City Police Station na walang factual basis ang kumakalat sa social media tungkol sa umano’y mass shooting sa Dasmariñas City, Cavite.

Ayon sa pulisya, isinagawa ng kanilang Investigation Section ang beripikasyon at imbestigasyon sa naturang ulat, ngunit walang nakitang basehan upang patunayang nangyari ang insidente.

Samantala, hiwalay umano rito ang pagkakatuklas sa isang labi ng tao sa loob ng isang sasakyan noong Miyerkoles ng gabi, Setyembre 30, sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute sa Barangay Burol Main.

Binigyang-diin ng pulisya na walang kaugnayan ang pagkakatuklas sa labi sa kumakalat na ulat tungkol sa umano’y mass shooting.

Nagbabala rin ang Dasmariñas police laban sa mga post na pinagsasama ang dalawang magkahiwalay na insidente o naglalahad na ang nasawi ay biktima ng umano’y pamamaril.

Tiniyak naman ng pulisya na isinagawa na ang kaukulang police action at ilalabas ang opisyal at beripikadong impormasyon sa pamamagitan ng mga awtorisadong channel.

Hinimok ang publiko na huwag magbahagi o mag-repost ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng alarma, kalituhan o kaguluhan.

Nagbabala rin ang Dasmariñas police na maaaring managot sa ilalim ng umiiral na batas ang mga sadyang gumagawa, nagpo-post o nagpapakalat ng mali at mapanlinlang na impormasyon. (AC)