WebClick Tracer

DA: ‘Very strong’ El Niño banta sa produksyon ng palay, mais

Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na maaaring makaranas ang Pilipinas ng “very strong” El Niño hanggang unang bahagi ng 2027, na posibleng magdulot ng matinding tagtuyot at makaapekto sa produksyon ng agrikultura.

Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, isa ito sa pinakamalalakas na El Niño na maaaring maranasan ng bansa dahil sa mataas na temperatura sa Equatorial Pacific.

“Isa ito sa pinakamalakas na El Niño sa kasaysayan natin dahil talagang mataas yung init na nakikita ngayon sa Equatorial Pacific,” ani De Mesa sa panayam ng programang “Memo with Korina” ng Bilyonaryo News Channel.

Sinabi ni De Mesa na maaaring malaki ang epekto nito sa produksyon ng pangunahing pananim, partikular ang palay at mais.

Tinataya rin ng DA na maaaring bumaba nang hanggang 700,000 metric tons ang rice production ngayong taon dahil sa El Niño.

Nanganganib din umano ang fisheries sector dahil sa posibleng fish kills, habang maaaring maapektuhan ng matinding init ang livestock, partikular ang poultry.

Gayunman, sinabi ni De Mesa na nakabawi na ang lebel ng mga pangunahing dam gaya ng Magat, Pantabangan, at Angat dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat at mga nagdaang bagyo.

Aniya, malapit na sa maximum capacity ang lebel ng mga dam, kaya may sapat na tubig para sa paghahanda ng mga palayan sa mga susunod na buwan.

“Maganda rin ang timing dahil ang pinakamalaking requirement ng ating palayan for water ay nasa land soaking preparation, which normally happen October to November kung saan marami pang tubig ang ating dams,” sabi ni De Mesa.

Umaasa naman umano ang DA na makatutulong ang kasalukuyang lebel ng tubig sa mga dam upang malampasan ng sektor ng agrikultura ang inaasahang malakas na El Niño.

Panoorin ang buong panayam sa October 1 episode ng “Memo with Korina”.

Mapapanood ang “Memo with Korina” ng 7:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes sa Free TV Channel 31, Cignal Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube and Facebook accounts ng BNC. (AM)