Pinauwi sa China ang mga Chinese volunteer teacher ng dalawang eskuwelahan sa Metro Manila matapos silang i-recall ng kanilang sending organization.
Ito ay batay sa abiso para sa mga guardian at magulang ng pre-school students sa Jubilee Christian Academy (JCA) sa Quezon City at ng high school students sa Immaculate Conception Academy (ICA) sa San Juan City na eksklusibong nakalap ng Abante.
Sa JCA, sinabi ng pamunuan na hindi inaasahang ipinatawag pabalik sa China ng kanilang sending organization ang mga Chinese volunteer teacher.
Samantala, sinabi ng ICA na ipinaalam sa kanila ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na kailangan ding agad bumalik sa China ang kanilang mga Chinese teacher.
Hindi naman tinukoy sa mga abiso ng dalawang eskuwelahan ang dahilan ng recall o kung anong organisasyon ang nag-utos ng agarang pagpapauwi sa mga guro.
Dahil dito, naghahanda ang JCA ng alternatibong arrangement para sa Chinese classes, kabilang ang posibleng online instruction at iba pang mga pansamantalang teaching arrangement.
Sa ICA naman, mga substitute teacher muna ang hahawak sa mga klase habang hinihintay ang karagdagang detalye at inaayos ang pangmatagalang plano para sa Chinese language classes. (AM)


