Iginiit ni House deputy minority leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na dapat nang i-abolish ang lahat ng uri ng ayuda program ng gobyerno dahil ito umano ang nagpalakas sa political dynasty sa bansa.
Sa press conference nitong Huwebes, sinabi ni Tinio na panahon na para i-abolish ang mga ayuda program ng gobyerno na ipinangungutang dahil ito isa sa pangunahing dahilan kung bakit lumalakas ang political dynasty sa bansa.
“Alam naman natin na pinupulitika ang TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers) ng DOLE, ang AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations) ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) pati yung medical assistance,” ani Tinio.
“At alam natin ginagamit yan sa election, kaya lalong na lumalawak at lumalalim ang kapit ng mga political dynasty dahil sila ang mayroong access sa mga ayuda,” dagadag pa ng mambabatas.
Ang masaklap aniya, inuutang ang pondo para sa mga ayudang ito na ipinapamudmod umano ng mga pulitiko sa taubayanan na kalaunan ang siyang pagbabayad kasama na ang kanilang mga anak at apo.
Sa susunod na taon ay uutang aniya ang gobyerno ng P1.7 trilyon subalit malaking bahagi aniya ito ay gagamitin sa ayuda na lalong magpapalakas aniya sa kapit ng mga political dynasty sa kapangyarihan.
“Dapat talaga iabolish na yang ayuda at ilagay directly sa services, whether DSWD, DOH, CHED or State University Colleges, TESDA at iba pa,” ani Tinio upang hindi na ito dumaan sa mga pulitiko. (Bernard Taguinod)


