Nakakuha ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng panibagong freeze order mula sa Court of Appeals (CA) laban sa mga asset na iniuugnay sa isang kilalang mambabatas, isang korporasyon at ilang indibidwal at entity na sangkot umano sa mga anomalya sa flood control projects at government budget kickback scheme.
Sa resolusyon ng CA na may petsang Setyembre 21, 2026, inilabas ang freeze order matapos makita ng korte ang probable cause na may kaugnayan umano ang mga asset sa plunder sa ilalim ng Republic Act No. 7080.
Ayon sa financial investigation ng AMLC, wala umanong malinaw na kita ang mga indibidwal na sangkot na sapat para suportahan ang laki ng kanilang mga investment.
Natukoy rin umano na dumaan ang mga pondo sa iba’t ibang indibidwal, korporasyon, bank account, money service business at virtual asset platform, na naging dahilan para mas maging mahirap ang pagsubaybay sa pinagmulan at paggalaw ng pera.
Ayon sa AMLC, natunton ang mga transaksiyon sa mga pondong iniuugnay umano sa mga kaso ng korapsiyon at plunder laban sa naturang mambabatas.
Sakop ng freeze order ang 86 bank accounts, apat na investment accounts, isang insurance policy at 25 virtual asset wallets. (IS)


