WebClick Tracer

AMLC confidentiality clause hindi pwedeng gamitin para maitago bank transactions ni VP Sara – Diokno

Iginiit ni House prosecutor at Akbayan party-list Rep. Jose Manuel Diokno na hindi maaaring gamitin ang confidentiality na sumasaklaw sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang maiwasan ang subpoena na inilabas ng Senate impeachment court.

Ginawa ni Diokno ang pahayag matapos hilingin ng abogado ng depensa ni Vice President Sara Duterte na ipagpaliban ang testimonya ng isang opisyal ng AMLC dahil sa isyu ng confidentiality at pangangailangan ng karagdagang oras para sila ay makapaghanda.

Ipinaliwanag niya na ang Section 8-A ng Anti-Money Laundering Act, na naglilimita sa pagbubunyag ng impormasyon ng AMLC, ay para lamang pigilan ang mga opisyal at empleyado ng AMLC na mag-leak ng impormasyon.

“It was never intended as a blanket shield for any lawful subpoenas issued by a proper court,” dagdag pa ni Diokno.

Ipinunto ng defense lead counsel na si Sheila Sison ang naturang probisyon matapos mapansin na ang mga rekord na isinumite para sa testimonya ni AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura ay may markang “strictly confidential.”

Ayon pa kay Sison, nakalagay sa cover letter ng dokumentong isinumite ni Buenaventura ay na hindi isinusuko ng AMLC ang confidentiality ng mga rekord nito.

Humingi rin siya ng karagdagang oras para makapaghanda, at sinabing kailangang suriin ng depensa ang hindi bababa sa 23 hanggang 24 na kahon ng mga dokumentong pinagbabatayan ng isang 11-pahinang buod na natanggap nito noong Huwebes.

Tinawag sa witness stand si Buenaventura upang tumestigo tungkol sa mga rekord ng AMLC batay sa mga dokumentong isinumite ng mga bangko kaugnay ng mga na-flag na transaksyon na kinasasangkutan ng mga account ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Ayon kay Diokno, dati nang hindi kinatigan ng impeachment court ang argumento tungkol sa confidentiality sa isang ruling noong Hulyo 20.

Iginiit ni Diokno na nananatiling may bisa ang July ruling at sinabi niyang ang hinihingi ng depensa ay tila muling pagsasaalang-alang sa isang usaping nalutas na ng korte.

Kinuwestiyon din niya ang pangangailangan ng depensa para sa karagdagang oras, at sinabing naibigay na sa depensa ang mga dokumento ng AMLC noong Setyembre 2, kaya nagkaroon ito ng sapat na oras upang maghanda para sa testimonya ni Buenaventura.

Hinimok ni Diokno ang korte na ituloy ang direct examination at hayaang maghain ang depensa ng mga pagtutol sa mga partikular na tanong o ebidensiya habang isinasagawa ang paglilitis.

Iginiit naman ni Sison na kinilala sa July ruling ang absolute confidentiality na may kinalaman sa mga tauhan ng AMLC at binanggit na si Buenaventura ang executive director ng AMLC Secretariat.

Sagot ni Diokno, “If the Court, as claimed by the defense counsel, recognized the absolute confidentiality, then why did it issue the subpoena in the first place?”

Sinabi ni Senator-Judge Risa Hontiveros na hindi absolute ang confidentiality provision, at ang ipinagbabawal nito ang indiscriminate o kusang-loob na paglalabas ng impormasyon ngunit hindi ang pagsunod sa isang legal na subpoena.

Samantala, nagpahayag si Senator-Judge Vicente Sotto III ng “very strong reservations” sa pagpapaliban ng proceedings, at sinabing ilang buwan nang alam ng mga partido ang usapin.

Pinagbigyan ni Presiding Officer Sen. Francis Escudero ang hiling ng depensa para sa karagdagang oras “out of courtesy and equity,” at ipinagpaliban ang testimonya ni Buenaventura sa Lunes at kinansela ang paglilitis sa Biyernes.

Sinabi ni Escudero na rerepasuhin ng mga senator-judge sa weekend ang mga kaugnay na probisyon sa confidentiality at pagdedesisyunan ito sa isang caucus o sa open session sa Lunes.

Hiniling din ni Senator-Judge Panfilo Lacson sa kanyang mga kasamahan na repasuhin ang Bank Secrecy Law, at binanggit na naglalaman ito ng exception para sa mga impeachment case.

Magpapatuloy ang paglilitis sa Lunes, Oktubre 5, alas-10 ng umaga. (Billy Begas)