Pasok sa TIME100 Next 2026 si Pinay tennis star Alex Eala, na tinawag naman ni tennis legend at 22-time Grand Slam champion Rafael Nadal na isang “true phenomenon”.
Sa tribute ni Nadal para kay Eala na inilathala ng TIME, pinuri niya ang mabilis na pag-angat ng 21-anyos na Pinay, kasabay ng pagbibigay-diin sa kanyang pagiging mapagkumbaba sa kabila ng mga nakamit sa tennis.
“Perhaps more importantly, Alex remains a wonderful person — warm, approachable, and humble,” ani Nadal.
Ayon sa Spanish tennis legend, hindi madaling harapin ang pagiging isang “true phenomenon” sa murang edad, ngunit pinuri niya si Eala sa pagpapanatili ng kanyang pagiging grounded.
Binanggit ni Nadal ang breakthrough run ni Eala sa 2025 Miami Open, kung saan tinalo niya ang tatlong Grand Slam champions, bago nito makuha ang isang WTA 500 title at makapasok sa world’s top 20, kauna-unahan sa kasaysayan ng Pinoy tennis.
Dagdag pa ni Nadal, “One of her greatest strengths is precisely her ability to listen, learn, and keep improving.”
May personal ding kuwento si Nadal tungkol kay Eala, “Alexandra Eala was the first player I shared a tennis court with after my retirement.”
Sinabi niyang minsang niyaya siya ni Eala na mag-hit ng bola, dahilan para muli niyang mahawakan ang racket ilang buwan matapos ang kanyang retirement.
Nakilala ni Nadal si Eala noong nagsasanay pa ito sa Rafa Nadal Academy at sinundan ang kanyang pag-angat sa professional tennis.
Ang TIME100 Next ay taunang listahan ng TIME ng 100 umuusbong na personalidad na gumagawa ng marka sa sports, entertainment, business at iba pang larangan. (AM)


