Inaprubahan ng Senate Impeachment Court nitong Huwebes ang kahilingan ng House prosecution na i-subpoena ang mga kinatawan ng pitong bangko at pitong insurance at financial companies na kanilang ipipresinta sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang pitong bangko ay ang Land Bank of the Philippines, Asia United Bank, Philippine Savings Bank, Metropolitan Bank and Trust Co., Bank of the Philippine Islands, Philippine National Bank, at BDO Unibank.
Ipinatawag din ng prosecution ang mga kinatawan ng Prudential Life, Allianz, Manufacturers Life, FWD Life, BPI-AIA Life, BDO Securities at BDO Life.
Nakatakdang humarap sa witness stand ang mga kinatawan ng mga financial institutions sa Martes, Oktubre 6, kasunod ng pagharap ng prosekusyon sa isang testigo mula sa Bureau of Internal Revenue sa Oktubre 5.
Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, ihaharap ang mga bangko ayon sa parehong pagkakasunod-sunod na nakalista sa subpoena request ng prosekusyon.
Magiging bahagi ng ebidensya sa ilalim ng Article II ang mga witness mula sa mga financial institution, na inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil umano sa pagkakaroon ng yaman na hindi naaayon sa kanyang legal na kita habang nagsisilbi bilang public official. (Billy Begas)


