WebClick Tracer

49 pamilya sa Osmeña tunnel nakalipat na sa bagong bahay sa Bulacan – DSWD

Nakalipat na sa bagong tahanan sa Bulacan ang 49 pamilyang dating naninirahan sa tunnel sa ilalim ng Osmeña Highway, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa DSWD nitong Miyerkoles, na-turn over na sa mga pamilya ang kanilang mga bahay sa St. Ildephonsus Resettlement Village sa Barangay Anyatam, San Ildefonso, Bulacan.

Nakatanggap din umano ang mga pamilya ng Certificates of Eligibility for Lot Allocation mula sa National Housing Authority (NHA).

Para naman sa mga hindi pa makalipat, nakahanda umano ang rental assistance upang pansamantala silang makapamuhay sa San Miguel, San Rafael at Baliwag, Bulacan, na mas malapit at accessible sa kanilang magiging bagong tirahan.

Mula sa social preparation, cash assistance at rental assistance hanggang sa relocation, sinabi ng DSWD na patuloy itong nakaalalay sa mga pamilya. (AC)