WebClick Tracer

VP Sara sa mga lingkod-bayan: Maging tapat tayo

Hinimok ni Vice President Sara Duterte ang mga kapwa niya lingkod-bayan na alalahanin ang pribilehiyo at maging tapat sa paglilingkod sa bansa.

Ginawa ni Duterte ang panawagan matapos makibahagi sa pagdiriwang ng Civil Service Month ng lokal na pamahalaan ng Santa Elena, Camarines Norte.

“Makabuluhan ang selebrasyon dahil hindi lamang nito ipinagdiriwang ang pagkakatatag ng Komisyon noong September 19, 1900, kundi maging ang dedikasyon, integridad, at kahusayan ng bawat lingkod-bayan, gayunman ang kanilang kontribusyon sa pagtatag ng isang demokratikong bansa,” ani Duterte sa isang Facebook post nitong Miyerkoles.

Hinimok din niya ang mga lingkod-bayan na isaisip na hindi lahat ay nabibigyan ng pribilehiyong mapaglingkuran ang bansa.

“Bilang mga kawani ng pamahalaan, tayo ay mapalad sa ipinagkaloob sa atin na tiwala. Kung kaya’t maging tapat tayong mga lingkod-bayan—mga kawani na maka-Diyos, maka-tao, makakalikasan, at makabansa,” dagdag niya.

Bumati rin ang Bise Presidente sa pagdiriwang ng National Civil Service Month. (AC)