Naitala ang “very unhealthy” na kalidad ng hangin sa ilang lugar sa Metro Manila nitong Miyerkoles ng umaga, Setyembre 30, ayon sa Department of Environment and Natural Resources Environmental Management Bureau-National Capital Region (EMB-NCR).
Batay sa 9 a.m. air quality monitoring report, naitala ang “very unhealthy” level sa Caloocan, Las Piñas, Muntinlupa (Bilibid at Filinvest), Parañaque (Don Bosco at PEATC), at Taguig.
Samantala, naitala ang “unhealthy for sensitive groups” na kalidad ng hangin sa Makati, Mandaluyong, Maynila, Marikina (Parang at CEMO), Navotas, Pasay, Pateros, Quezon City (Ateneo), San Juan City at Valenzuela.
Ayon sa EMB-NCR, maaaring makaranas ang Metro Manila ng thermal inversion kung saan ang mainit na hangin ay nasa ibabaw ng malamig na hangin at humaharang sa pag-akyat ng polusyon. Paminsan-minsan umano itong nararanasan sa isang lugar.
Maaari rin umanong makaapekto sa kalidad ng hangin ang direksyon ng hangin, lokasyon ng air quality monitoring station at mga pinagmumulan ng polusyon gaya ng usok mula sa mga sasakyan, pabrika at iba pa.(AC)


