Naniniwala si House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na makaaagaw ng atensyon ang inaasahang testimonya ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“So mukhang kung anuman ’yung ilalabas ni Senator Trillanes ay maengganyo kayo. ’Yun lang ’yung gusto kong ipaabot sa inyo, na it will actually attract your attention,” sabi ni Alonto Adiong sa press briefing nitong Martes.
Sinabi naman ni prosecution counsel at legal spokesperson Benjamin Tolosa Jr. na lalabas ang testimonya ni Trillanes sa mga nasabi na nito sa impeachment proceedings sa Kamara de Representantes.
“It will not be confined to matters that were already discussed during the House of Representatives,” sabi ni Tolosa.
Ayon kay Tolosa, sa simula ay magbibigay ng testimonya si Trillanes hinggil sa mga usaping hiwalay sa mga bank documents at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records na nakatakdang iharap ng prosecution.
“So those will not be based on the bank documents or AMLC records. So it’s still relevant and will stand on its own,” sabi ni Tolosa.
Maaari umanong iugnay kalaunan ang testimonya ni Trillanes sa mga financial records na iniharap sa impeachment court, dagdag ni Tolosa.
Sinabi naman ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na ilang taon na mula ng ilabas ni Trillanes ang mga alegasyon nito kaugnay ng yaman ng pamilya Duterte bago pa man ang impeachment proceedings.
“Well, kung maaalala po ninyo, nagsimula itong issue pagdating sa tagong yaman ng mga Duterte kay Senator Trillanes,” sabi ni Chua.
Ayon kay Chua, lumalabas na tumutugma ang mga dokumentong dati nang inilabas ni Trillanes sa rekord ng AMLC sa mga pagdinig sa Kamara.
“So siguro maganda na antayin po natin ’yung kanyang magiging statement bukas,” sabi niya.
Balak ng prosekusyon na iharap si Trillanes sa paglilitis ngayong linggo sa ilalim ng Article II, kung saan inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil umano sa pagkakaroon ng yaman na hindi naaayon sa kanyang legal na kita at mga kinikita habang nagsisilbi bilang public official. (Billy Begas)


