Kalat sa buong Metro Manila at maraming probinsya sa Pilipinas ang mga miyembro ng grupong “True Brown Style” (TBS), ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkoles.
Ayon kay Remulla, nagsimula ang grupo sa California 35 taon na ang nakalipas at nakarating sa Pilipinas 25 taon na ang nakalipas.
“Na-radicalize na sila. Ngayon, ang recruitment nila bago ka makapasok sa grupo, kailangan at gunpoint nakawan mo ang isang convenience store. Ayun ang initiations nila, at 16 years old tinuturuan na silang magnakaw,” ani Remulla sa panayam sa media.
May presensya aniya ang TBS sa bawat local government unit sa Metro Manila at karamihan sa mga miyembro nito ay nakasentro sa mga urban area.
“Of the 83 provinces, I think nasa 78 na sila eh na nandodoon sila eh. ‘Yung iba malaki, ‘yung iba maliit. Pero mostly sa mga urban center sila nagco-concentrate,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Remulla na kumikilos na ang pulisya upang matukoy ang mga miyembro ng grupo.
“This has become too much. Nagco-command conference kami lahat ng pulis ngayon gina-gather na namin ang intel kung sino mga miyembro nito. And we will get them,” diin niya. (AC)


