Gagamitin na ng Supreme Court (SC) ang terminong “victim-survivor” sa pagtukoy sa mga taong nakaranas ng sexual violence.
Ito ay matapos pagtibayin ng SC Third Division ang hatol na guilty sa isang lalaki na nanggahasa sa isang 12-anyos na bata.
Ayon sa SC, lumitaw sa testimonya ng bata na kinaladkad siya ng akusado, na kinakasama ng kanyang ina, palabas ng bahay ng kanyang tiyuhin habang natutulog ang ibang tao.
Tinutukan umano siya ng kutsilyo at pinagbantaan na papaslangin kapag nagsumbong tungkol sa pangyayari.
Kalaunan, isinumbong ng bata sa kanyang tiyuhin at tiyahin na inaabuso siya ng akusado mula noong siya ay siyam na taong gulang pa lamang. Hindi umano siya agad nagsumbong dahil sa takot sa mga banta nito.
Pinagtibay ng SC ang hatol na guilty matapos mapatunayan ang lahat ng elemento ng panggagahasa at positibong makilala ng victim-survivor ang akusado.
Pinatawan siya ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong at inatasang magbayad ng P450,000 bilang civil indemnity at danyos sa victim-survivor.
Samantala, nilinaw rin ng SC ang terminolohiyang ginagamit sa mga kasong may kinalaman sa seksuwal na karahasan.
“Sa halip na gamitin ang terminong ‘victim,’ pinagtibay nito ang paggamit ng ‘victim-survivor’ para kilalanin kapwa ang pinsalang dulot ng krimen at ang katatagang ipinakikita ng mga nakaligtas dito sa pagharap at pagbangon mula sa naturang karahasan,” pahayag ng korte.
Inatasan din nito ang Department of Social Welfare and Development na i-refer ang menor de edad sa angkop na rape crisis center para sa kinakailangang tulong. (AC)


