WebClick Tracer

SC pinagkokomento Palasyo, Kongreso, Comelec sa petisyon vs pagpapaliban sa BSKE

Inatasan ng Supreme Court (SC) nitong Miyerkoles ang pamahalaan na magkomento kaugnay ng petisyong kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Kabilang sa pinagkokomento ang Office of the President, sa pamamagitan ng Executive Secretary, Senado, Kamara de Representantes at Commission on Elections (Comelec).

Nagbigay ang SC ng limang calendar days mula sa pagtanggap ng notice para isumite ang kanilang mga komento.

Nauna nang naghain ng petisyon ang election lawyer na si Romulo Macalintal para sa temporary restraining order o status quo ante order laban sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12326.

Ang naturang batas ang nagtakda sa susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, at kada limang taon na idaraos ang mga susunod na halalan.

Hiniling din ni Macalintal sa SC na ideklarang inoperative, invalid at/o unconstitutional ang batas, partikular sa aspeto ng pagpapaliban ng BSKE. (AC)