WebClick Tracer

Ragudo: Pagpapanatili ng kapayapaan mahalaga sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya

Si Brig. Gen. Melencio Ragudo sa programang The Commanders kaugnay ng kapayapaan at lokal na ekonomiya.

Mahalaga ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa mga lalawigan at munisipalidad upang magpatuloy ang aktibidad at pag-unlad ng lokal na ekonomiya, ayon kay 203rd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Melencio Ragudo.

Sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Ragudo na kasunod ng deklarasyon sa mga lugar na may stable internal peace and security ay ang hamon na mapanatili ang naturang kalagayan.

“Ang mga narating natin dito sa pag-declare ng mga provinces and even the municipalities as stable internal peace and security, ang una pong pumapasok sa isipan natin is paano ito ay isu-sustain,” ani Ragudo.

Ayon sa kanya, kabilang sa pangunahing tinitingnan ang pagpapatuloy ng economic activities at development, lalo na sa mga komunidad na matinding naapektuhan ng communist insurgency.

Aniya, kailangang matiyak na hindi na naaantala ang progreso ng isang lugar dahil sa presensya ng mga insurgents.

Kapag naalis umano ang banta ng insurgency, mas magiging maayos ang kondisyon para magtulungan ang mga residente, local government units, negosyo at mga investor sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad.

“‘Pag natanggal na natin yun, we will be assured that economic progress and then activities ng lahat ng mga tao natin, especially the locals and the LGUs can have the relationship para further na ma-develop natin yung isang lugar,” sabi ni Ragudo.

Binigyang-diin niya na mahirap umunlad ang isang lugar na walang peace and order dahil maaari itong maging hadlang sa pagpasok ng negosyo at puhunan.

“So, ang tinatanggal natin is itong threat. Ang tinatanggal natin is yung takot ng mga tao,” ani Ragudo.

Panoorin ang buong panayam sa September 29 episode ng “The Commanders” sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AM)