Handa umano ang House prosecution panel na dumaan sa matrabahong proseso ng paglalahad ng mga bank records ni Vice President Sara Duterte “piece by piece, bank by bank” kung tatanggihan ng depensa ang mga iminungkahi nitong stipulasyon.
Sa press conference nitong Miyerkules, tinanong si House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon kaugnay ng susunod na hakbang ng prosekusyon sakaling tanggihan ng mga abogado ni Duterte ang mga iminungkahing stipulations ng prosekusyon na naglalayong pabilisin ang paglalahad ng mga bank record ng Pangalawang Pangulo.
“In the event that…they will reject the stipulations, then we will have to present the bank records, piece by piece, bank by bank, I think with the focus on the most important accounts and the most important banks. That is how we will do it,” sabi ni Ridon.
Ayon kay Ridon, maaari ring ipatawag ng prosekusyon ang mga kinatawan ng mga bangko sa witness stand upang tumestigo at patotohanan ang mga dokumentong ipipresinta.
“We will decide when we submit a witness list. They will testify on the credibility, authenticity of the records and the amounts that are in the banks,” sabi ng solon.
Sa paglilitis noong Lunes, inalok ni House prosecutor at Akbayan party-list Rep. Jose Manuel Diokno ang depensa na babawiin nito ang September 8 request for admissions kaugnay ng mga bank accounts kung papayag ito stipulasyon na totoo ang mga bank account, galing ang mga bank record sa bangko, at totoo ang mga kopya na nasa impeachment court.
“Ganun lang po kasimple, Your Honors. We will withdraw our request for admission if the respondent will agree to this. The proposed stipulations would not require the respondent to admit liability, the truth or accuracy of every entry, or the prosecution’s interpretation of any transaction,” sabi ni Diokno.
Kung sasang-ayon ang depensa, sinabi ni Diokno na hindi na kakailanganin ng prosekusyong ipatawag ang 10 hanggang 20 testigo kaya mapapabilis ang pagpipresinta ng mga ebidensya at makakatipid ng oras ang korte.
“At the moment, hinihintay po namin iyong pagpapasya dito sa admissions nitong kabilang partido dito po sa bank records,” sabi ni Ridon.
Kung walang mapagkasunduan, sinabi ni Ridon na kailangang ilahad ng mga prosecutor ang mga bank records.
“I think we will focus on the most important accounts and the most important banks,” dagdag pa ni Ridon. (Billy Begas)


