Naghahanda ang Commission on Elections (Comelec) ng posibleng electoral sabotage case kaugnay ng 16,543 pre-shaded ballots na natuklasan sa Maluso, Basilan sa Bangsamoro parliamentary elections.
Kinumpirma ni Comelec Chairman George Garcia na natukoy na umano ng poll body ang mga posibleng nasa likod ng insidente ngunit hindi muna nito pinangalanan ang mga hinihinalang responsable habang binubuo ang kaso.
Ayon kay Garcia, nais ng Comelec na makagawa ng matibay na kaso dahil maaaring umabot sa habambuhay na pagkakakulong ang parusa sa electoral sabotage.
Naglabas na rin ang Comelec ng 16 subpoena para hingan ng paliwanag ang mga opisyal ng Maluso kaugnay ng mga pre-shaded ballot na nakalaan sana sa 36 sa 68 precincts ng bayan.
Kabilang sa pinadalhan ng subpoena ang mayor, municipal treasurer, election officer at hepe ng pulisya ng Maluso.
Kasama rin ang provincial police commander at provincial election supervisor ng Comelec.
Nilinaw naman ni Garcia na ang pagtanggap ng subpoena ay hindi nangangahulugang guilty o akusado na ang mga naturang opisyal.
Layunin lamang nitong makuha ang kanilang paliwanag sa nangyaring insidente. (IS)


