Itinanggi ni Atty. Michael Poa, spokesperson ng defense team ni Vice President Sara Duterte, na sumang-ayon siya kay Atty. Paolo Panelo sa paglalarawan sa desisyon ng Senate impeachment court sa voting threshold bilang “lokohan”.
“I never said anything about lokohan to him and that’s why I want to set the record straight,” pahayag ni Poa sa press briefing noong Martes.
“Kasi nung nalaman ko ‘yun, I messaged him personally to basically ask him bakit may ganong nasabi,” aniya pa.
Kasunod ito ng pahayag ni Panelo na nagsasabing, “Lokohan na ‘tong nangyayari at kaya nga sila (defense team) posibleng umakyat sa Korte Suprema.”
Ayon naman kay Poa, kung may hindi pagkakasundo ang defense sa desisyon ng impeachment court, dapat itong idaan sa legal na remedyo at hindi sa media.
Samantala, wala pa aniyang desisyon ang kampo ni Duterte kung kukuwestiyunin nila ang napagdesisyong impeachment voting threshold sa Supreme Court.
Matatandaang bumoto ang impeachment court ng 13-1 para palitan ang dating 16-vote requirement sa conviction ng formula batay sa bilang ng mga aktuwal na lumahok na senator-judge, kung saan anim na senador mula sa minority ang hindi lumahok sa botohan.
Binigyang-diin naman ni Poa na magkaiba ang kanilang tungkulin, kung saan si Panelo ang spokesperson ni Duterte, habang siya ay nakatutok lamang sa impeachment proceedings bilang spokesperson ng defense team.
“So, sa kanya (Panelo) is being the spokesperson of the Vice President and sa akin is really just focus on impeachment. Ako, alam ko ‘yung boundaries ko,” ayon pa kay Poa. (AM)


