Nananatiling naka-detain sa ICE Processing Center sa California ang Pinoy singer at former X Factor finalist na si Mark Mabasa matapos mahuli ng Immigration and Customs Enforcement pagdating nito sa Los Angeles.
Ayon sa aming source, galing daw si Mark sa show nila ng Beks Batallion sa Chicago, kasama sina Mc Muah, Lassy at Chad Kinis.
Hindi na raw binigyan pa ng pagkakataon ng awtoridad si Mark na makalabas pa sa LA International airport o LAX at pinosasan na ito sa kamay, pati na sa paa.
Ayon pa sa kuwento, binalewala umano ng ICE ang dokumento na ipinapakita ni Mark para patunayan ang pananatili nito sa Amerika bunga ng Asylum.
May isang Pinoy na tinawagan ni Mark para ipaalam ang kanyang sitwasyon at makahingi ng tulong pero wala rin itong nagawa.
Apat na taon nang naninirahan sa US si Mark at ang kanyang pamilya para sa kanilang seguridad malayo sa pagbabanta sa kanilang buhay.
Matatandaang pinaslang ang ama ni Mark na isang broadcaster na si Percy Lapid.
Hinihinalang may kinalaman ang pagpatay kay Percy sa kanyang mga birada laban sa nakaraang administrasyon.
Nakatakdang isalang sa arraignment si Mark sa October 2.
Hindi na magagawa pang gawin ni Mark ang iba pang show para sa Beks Batalion dahil sa kanyang estado.
Naniniwala ang maraming Pinoy lalo ang mga kaibigan ni Mark sa US, na kapwa Pilipino rin ang nag-timbre kay Mark sa ICE.
Sinusulat ang item na ito wala pang lumalabas na detalye sa dahilan ng pagkaka-huli kay Mark Mabasa o mismong statement ng manga-awit.
Wala pa ring pahayag o statement ang Philippine Embassy sa US. (Rey Pumaloy)


