WebClick Tracer

Pelikula ni Gerald Santos isinumite na sa MMFF 2026

Sina Gerald Santos at Atty. Ferdinand Topacio kasama ang produksyon ng pelikulang Liwanag at Dilim para sa MMFF 2026.

Isinumite na sa Metro Manila Film Festival 2026 ang “Liwanag at Dilim”, isang biopic tungkol sa buhay ng rebolusyonaryong bayani na si Emilio Jacinto.

Ang pelikula ay hatid ng Prinstar Film Production at katuwang ang Borracho Film Production ni Atty. Ferdinand Topacio. Isinumite ito sa Finished Film Category ng MMFF 2026.

Personal na nagtungo sa MMFF Secretariat sina Atty. Topacio, ang lead star na si Gerald Santos at direktor na si Antonino Rommel Ramilo kasama ang mga producer na sina Ivan Jerik Raymundo, Chona Contreras Raymundo at Leroy Santos.

Bida sa Liwanag at Dilim si Gerald Santos bilang Emilio Jacinto, isa sa mga pangunahing lider ng Katipunan na kinilala bilang “Utak ng Katipunan.”

Kasama rin sa cast sina Aljur Abrenica, Alexa Miro, Aicelle Santos, Mercedes Cabral, Angel Aquino, Ima Castro, Alex Medina, Isay Alvarez, Robert Sena, Jason Gainza, Pekto Diaz, Sid Lucero at Alden Richards.

Gaganap si Alden Richards bilang Dr. Jose Rizal, isang papel na una na niyang ginampanan sa 2014 historical drama na Ilustrado.

Gagampanan ni Sid Lucero ang papel bilang Andres Bonifacio, Alexa Miro bilang Catalina de Jesus, Aicelle Santos bilang Gregoria de Jesusat Aljur Abrenica bilang General Miguel Malvar.

Para kay Gerald, isang malaking acting challenge ang pagganap bilang Emilio Jacinto. Kinailangan niyang magsagawa ng masusing research tungkol sa buhay ng bayani, sa kanyang mga paninindigan at sa naging kontribusyon niya sa kasaysayan ng bansa.

Ayon kay Gerald, hindi naging madali ang pagsasapelikula ng Liwanag at Dilim dahil bukod sa masusing research, pinagtuunan din nila ng malaking pansin ang bawat detalye ng produksyon. Mula sa execution, costumes, historical details, kuwento hanggang sa pagpili at pagganap ng mga artista, naging mabusisi ang kanilang paghahanda upang maging makatotohanan ang pelikula.

Layunin ng Liwanag at Dilim na ilahad ang buhay ni Emilio Jacinto, ang kanyang mahalagang papel sa Philippine Revolution at ang mga personal na pakikibaka niya bilang isang batang rebolusyonaryo.

Umaasa ang buong team ng pelikula na mapapansin ito ng MMFF dahil sagana sa cultural at moral values ang pelikula lalo na’t isang bayani ng Pilipinas ang tampok dito. (Rodel Fernando)