WebClick Tracer

Palasyo: Pamamahagi ni FL Liza ng libreng bigas hindi panghilot sa transport strike

Si First Lady Liza Araneta-Marcos habang namamahagi ng libreng bigas sa mga tsuper sa LTO Activity Center.

Hindi maituturing na panunuyo ng gobyerno sa tigil-pasada ang pamamahagi ng libreng bigas ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos nitong Martes sa LTO Activity Center sa Quezon City.

Nasa 1,000 jeepney drivers ang nakatanggap ng tulong sa pamamahagi kabilang na si Manibela Chairman Mar Valbuena sa kasagsagan ng tigil-pasada ng transport group.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi lang ngayon ginawa ng Unang Ginang ang pamamahagi ng libreng bigas dahil tumutugon ito sa mga ganitong aktibidad sa iba’t ibang lugar hindi lamang sa Metro Manila.

Maganda naman aniya ang naging tugon ng mga tsuper at nagkita mismo ang First lady at si Valbuena kung saan nakitang tumutugon ang gobyerno para maibsan ang hirap at agam-agam ng mga tsuper at operator sa transport sector.

Sinabi ni Castro na nakita ni Valbuena ang sinseridad ng First Lady nang sabihing hindi sapat ang libreng bigas pero nakita ang kahandaan ng gobyerno na umagapay sa mga nahihirapang sektor dahil sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Ang transport strike na inilunsad ng grupong Manibela at Piston ay matatapos ngayong Miyerkoles. (Aileen Taliping)