Ipinagtanggol ng prosecution team si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. matapos punahin ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang pag-idlip nito sa loob ng impeachment court sa magkasunod na araw noong Lunes at Martes.
Sa tweet ni Lacson sa X, sinabi niyang, “Impeachment trial today. Saan kaya matutulog ito? Kawawa naman” na may larawan si Abante na nakatulog na kuha noong Lunes, September 28.
“So far, lamang ang prosecution 2-1,” ayon pa sa isang post ni Lacson kung saan ipinakita ang larawan nina Abante, private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at Att. Salvador Panelo na pare-parehong nakaidlip.
“Wala kaming masyadong reaction dahil Senator-Judge ‘yun pong nagsabi. Gusto ko sana po, magkaroon ng reaction pero hindi ko po ‘yun gagawin. Magandang araw, Senator Ping. Mabuhay po kayo,” ani prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon.
Naiintindihan naman umano ni prosecution spokesman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong si Lacson dahil posibleng nais umano ng Senator-Judge na maging “attentive” ang lahat sa loob ng impeachment court.
Subalit bago ito, hiningan ng reaksiyon sa post ni Lacson, ipinagtanggol ni Alonto si Abante dahil sa kabila ng kanyang edad ay ginagampanan pa rin nito ang kanyang tungkulin.
“Lahat naman tayo may Lolo. Lahat po tayo may kilalang senior citizen. At alam po natin, even if the body is frail, the spirit is there to continue on serving the public. Nakataon lang po si Manong Benny, because of his age talagang ganon, he did not do that on purpose to insult the court.
“Let’s not be harsh about Manong Benny. What is important is pumupunta siya, nakikinig siya, pinapakita po nya ang kanyang dedikasyon sa pagpapanagot sa mga tiwaling official ng ating government. So again, let’s be more humane about our comments on senior citizen,” ani Adiong dahil maging ang mga bashers ay hindi pinalagpas ang pagtulog ni Abante.
“Sa usapin po ng tulugan, represented po lahat. So you have Sal Panelo for the defense and you have Benny Abante for the prosecution,” ayon naman kay Ridon bago natanong sa post ni Lacson. (Bernard Taguinod)


