Pinuri ni House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa desisyon ng Senado kaugnay ng impeachment conviction threshold.
“Nagpapasalamat kami sa Korte Suprema sa pagbasura sa mga petisyon laban sa voting threshold ruling ng Senate Impeachment Court,” sabi ng solon.
“Sayang ang papel, sayang ang mga puno, pero tuloy na tuloy ang paglilitis bukas at sa mga susunod pang araw,” dagdag pa ni Ridon.
Muling iginiit ni Ridon ang paniniwala ng prosecution panel na dapat hayaang litisin at pagpasiyahan ng Senate impeachment court ang kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
“Tingin naman ho namin ang nagpapasya talaga dito yung Senate impeachment court itself at tingin ko dapat po talaga na pabayaang matapos yung kabuuan ng proseso hanggang pinakadulo whether to convict or to acquit the Vice President,” dagdag pa ng mambabatas. “Hayaan po natin yung prosesong matapos.”
Nakumpleto na ng prosecution panel ang paglalahad ng ebidensya kaugnay ng umano’y grave threats at maling paggamit ng confidential funds. Kasalukuyan nitong inilalahad ang mga ebidensya sa umano’y unexplained wealth ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio. (Billy Begas)


