WebClick Tracer

P18.6M marijuana nasabat sa 3 pasaherong galing Bangkok, Thailand

Mga nakumpiskang marijuana na nagkakahalaga ng P18.6 milyon mula sa tatlong pasaherong galing Bangkok sa NAIA Terminal 3.

Tatlong pasaherong galing Bangkok, Thailand ang naaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos makumpiska sa kanilang mga bagahe ang P18.6 milyong halaga ng marijuana.

Ayon sa Bureau of Customs (BOC) nitong Miyerkoles, isinagawa ang operasyon ng BOC-NAIA katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Customs Arrival Area ng Terminal 3.

Napansin umano ang mga customs officer ang kahina-hinalang images sa routine baggage screening kaya isinailalim sa masusing physical examination ang mga bagahe ng tatlong pasahero.

Dito natuklasan ang tinatayang 18,679 gramo ng marijuana na nakatago sa kanilang mga bagahe, na may tinatayang P18.679 milyon street value.

Nasa kustodiya na ng PDEA ang tatlong suspek para sa pagsasampa ng kaukulang kaso dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng Customs Modernization and Tariff Act. (AM)